>var addthis_pub=”angsawariko”;
Hindi lamang si Pangulong Arroyo ang mag-uulat tungkol sa estado ng bansa sa Hulyo 27, kundi pati mga mamamayang aktibong lumalahok sa “Boto Mo iPatrol Mo: Ako ang Simula” ng ABS-CBN.
Simula Lunes (Hulyo 20), maaari nang maiparating ng mga “Boto Patrollers” ang kanilang saloobin at opinyon sa buong mundo sa pamamagitan ng “SONA Mo, iPatrol Mo.” Dito’y hinihikayat ang mga “Boto Patrollers” na ipadala sa ABS-CBN ang kanilang bersyon ng State of the Nation Address o SONA – taunang talumpati ng Pangulo tungkol sa lagay ng bansa.
Sa “SONA Mo, iPatrol Mo,” kailangan lamang na kunan ng retrato o video ng “Patroller” ang isang eksena o insidente sa kanyang komunidad na sa tingin niya ay naglalarawan ng tunay na lagay ng bansa. Maaaring i-MMS o i-email ang retrato o video na ito, lagyan lamang ng maikling paliwanag.
“Sa pamamagitan ng ‘SONA Mo, iPatrol Mo,’ nais nating malaman ang opinyon ng ating mga kababayan sa lagay ng bansa base sa nakikita nila o nararanasan sa kanilang mga komunidad,” sabi ni ABS-CBN New Media Manager Arlene Burgos.
Ang pinakamagandang mga kontribusyon ay ipalalabas sa mga programang “TV Patrol World,” “Bandila,” at “Umagang Kay Ganda” simula Lunes (Hulyo 20) hanggang Biyernes (Hulyo 24), at maaaring maging bahagi ng coverage ng ABS-CBN news coverage sa pagbibigay ni Pangulong Arroyo ng kanyang SONA sa Hulyo 27.
Para sumali, maaaring magpadala via MMS ang mga rehistradong “Boto Patrollers” ng kanilang retrato o video reports at i-text ang ireport(space)name(space)address(space)message sa 2366. Maari rin silang mag-email ng mga retrato at video at mga caption nito, o links kung saan naka-upload ang mga retrato o video, sa [email protected]. Ilagay lamang ang pangalan at Patroller ID number sa subject line ng email at ipadala ito mula Hulyo 18 hanggang 24.
Simula nang ilunsad ang BMPM noong Mayo 11, mahigit 15,000 Pilipino na ang sumali rito at naging “Boto Patroller” na siyang magsisilbing citizen journalists na mag-uulat ng mga anomalya kaugnay sa eleksyon gamit ang kanilang cell phone o sa pamamagitan ng Internet. Ang mga ulat ay sinisiyasat ng mga mamamahayag ng ABS, at maaaring maging bahagi ng news coverage ng mga programa ng istasyon.
Patuloy na gumagawa ang ABS-CBN ng mga makabuluhang hakbang kaugnay ng kampanyang himukin ang mga mamamayan na makibahagi sa mga prosesong demokratiko tulad ng halalan. Isa sa mga hakbang na ito ang nalalapit na ikatlong ANC Leadership Forum kung saan inimbitahan sina Vice President Noli De Castro, Sen. Francis Escudero, Sen. Francis Pangilinan, Sen. Loren Legarda, Sen. Manuel Villar, Sen. Manuel Roxas II, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Isabela Gov. Grace Padaca, at Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno. Mapapanood ito sa ANC (SkyCable channel 27) sa Hulyo 28, alas-7 ng gabi at may replay sa Studio 23 sa Agosto 1, alas-6 ng gabi; at sa ABS-CBN sa Agosto 2, alas-10:15 ng gabi.
Muli ring magtatayo ang ABS-CBN ng COMELEC registration booths sa Hulyo 29 (Miyerkules) sa Dagupan, Bacolod, at Zamboanga.
Kamakailan, nakipag-partner na rin sa BMPM ang Life Haven, isang non-government organization na kumakatawan sa mga taong may kapansanan.
Para sa mga nais pang lumahok at makiisa sa BMPM, mag-register sa pamamagitan ng pagti-text ng REGBMPMname/age/gender/address sa 2366 (Globe at Sun subscribers) at 231 (Smart at Talk N’ Text subscribers).
Maaari ring mag-register online sa www.abs-cbnnews.com o kaya’y magpunta sa ABS-CBN stations nationwide pati na rin sa ABS-CBN global bureaus sa San Francisco, Dubai, London, at Sydney.
Manatiling nakaantabay sa pinakasariwang updates sa kampanyang “Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula” sa ABS-CBN, ANC, Studio 23, at DZMM. Bumisita rin sa www.abs-cbnnews.com/botomo at http://botomoipatrolmo.multiply.com o sundan ang BMPM official Twitter account sa http://twitter.com/abscbn_halalan.