“Dito na lang ako, dito na lang tayo… walang mangugulo na parang atin ang mundo” – Huling Gabi, Moira dela Torre
Limang taon na rin ang nakalipas simula noong bumalik ako dito sa amin, pero kahit anong tagal pa ay parang kahapon lang. Sariwa ang mga alaala… mayasa at masalimuot, mga nagbibigay aral at mga ayaw ko nang balikan pa.
“Ma, para ho sa may tabi!” Ang biglang sambit ko sa driver ng jeep na sinasakyan ko habang nagmamadali akong hila sa laptop bag ko.
“Ate Mae, malayo pa tayo bakit gusto mo nang bumaba?” Ang tanong ni kapatid kong si Fe sa akin. Kung tutuusin malayo pa nga sa bahay namin ang bababaan ko pero may pumipilit sa akin sa dito ako bumaba.
“Dumiretso ka na sa bahay at may dadaanan lang ako na kaibigan.” Sabay hila sa laptop bag ko at mabilis na bumaba sa jeep.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang pumasok ako sa eskenita, sa Kalye Tres. Walang pinagbago nandun pa rin ang mga tindahan na nakadungaw lang sa mga bintana ng bahay habang ang mga bata ay nag lalaro ng mga tau-tauhan sa mga pinto ng bahay nila. Walang pinagbago kagaya noong namulat ako sa lugar na ito hanggang ngayon.
Lumapit ako sa tindahan ni Mang Anton, tulad ng dati nandun pa rin ang karatula niyang “credit is good but I need cash”. Pero hindi tulad nood na masigla siya at mabilis lumapit sa may bintana para tanungin ang bibilhin mo ay nakasaklay na siya at dahan-dahang lumalapit papunta sa akin.
“Mae, buti napadalaw ka, Tagal mo na ring nawala. Ano ang gusto mo?” Tanong ni Mang Anton.
“Tulad ng dati po, tay!” Mabilis kong sagot sa taong nakagisnang ama ng mga bawat batang tumatambay sa may tindahan niya.
“Hindi na talaga nagbago ang taste mo pagdating sa Sarsi at hopia kahit ngayong nag iba na ang pananamit mo” Bati ng matanda sa akin.
“Ako pa rin po ito, tulad ng dati. Damit lang at histura ko nagbago pero ganun pa rin ako.” Sagot ko sa kanya habang kumakagat sa hopia at lumalagok ng softdrinks.
“Yung nasa puso mo ba yun pa rin ba?” Tanong niya sa akin na may ngiti.
“Tay naman! Alam mo na sagot diyan at matagal na yun!” Sagot ko sa kanya na may ngisi.
“Oo, matagal na nga yun pero syempre alam ko sariwang sariwa pa rin yan sa puso mo. Sige babalik na ako sa loob at nanakit ang baywang ko sa matagal na pagkaupo.” Sambit ng matandang dahan dahang bumabalik sa maliit nilang sala.
Tama si Mang Anton, sariwa pa rin sa akin na parang kahapon lang ang lahat sa amin ni Andrew. Pero pinipilit kong iwaksi ang bawat alalaa niya sa isip ko dahil ang gusto ko matapos na ang mga paano at baka sa isip ko.
Pero kung gusto mawala siya sa isip ko bakit narito ako dumaan sa Kalye Tres. Nakapasadista ko talaga sa sarili ko. Pero mapaglaro talaga ang tadhana habang inilalagay ko bote sa case sa ilalim ng bintana ng tindanan ni Mang Anton ay nandun nakaukit ang letrang “A” at “M” na may petsang September 22, 2012.
“Tay, narito pa rin pala to?” Tanong ko kay Mang Anton.
“Oo naman! Yan ang paborito kong alaala ninyo ni Andrew, alam mo naman boto ako sa inyo ng batang yun!” Nakangiti na sagot ng matanda habang nakaharap sa TV at nanonoon ng paborito niyang Eat Bulaga.
Patuloy ang pagkabog ng dibdib ko na parang may gustong kumawala. At napilitan na lang ako na umalis at magpaalam kay Mang Anton. Sa paglalakad ko na lumilipad ang isip ko sa kawalan ay nakarating na ako sa amin. Dahil sa pagod at dumiretso na ako sa kwarto ko para magpahinga ng saglit.
“Ate! Ate! Kakain na daw sabi ni Mama!” Sigaw ni Fe habang kinakalabog ang pinto ng kwarto ko. Nakatulog pala ako at alas otso na pala ng gabi.
“Wait bababa na ako magbibihis lang!” Sagot ko sa kapatid ko habang inaayos ko gamit ko at naghahanap ng damit. Binati ako ng sa may bag ko ng panyong may burda ng pangalan ko na may bulaklak na hindi ko alam kung ano. Bigay ni Andrew sa akin ito bago siya nagpaalam…
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at agad-agad kong kinuha ang panyo at tumakbo papalabas kahit umuulan… papunta sa kay Andrew…
Muli akong binalik sa Kalye Tres ng mga paa ko at pagsimula ng pag-agos ng luha sa mga mata ko.
“Nasaan ka Andrew? Nasaan ka Andrew?” Patuloy na pag bulong ko sa sarili ko na parang sigaw sa akin puso at isipan. Nag-umpisa manginig ang tuhod ko at napaluhod ako habang patuloy ang pag-agos ng luha kasabay ng ulan.
“Mae….” Sabi ng boses mula sa aking likuran at alam ko na si Andrew yun.
“Patawarin mo ako Andrew… Mahal na mahal kita kaso hindi ko talaga ko kaya yung gusto mong mangyari.” Ito ang tanging nasagot ko sa boses na tumatawag sa akin.
“Sumama ka sa akin, kailangan kita…kasama ko sa pakikipaglaban. Magkasama tayong lalaban para sa bayan!” Paanyaya niya sa akin.
“Hindi lang yun ang paraan na pwede natin gawin Andrew! Maawa ka na huwag kang umalis…” Pagpipigil ko sa kanya habang damang dama ko ang mahigpit na yakap niya sa akin habang matindi ang kapit niya sa panyong pula na iniwan niya sa akin.
“Marahil… Hanggang dito na lang muna tayo Mae. Magkaiba tayo ng paniniwala at pamamaraan. Ikaw, masaya ka na sa pagiging volunteer mo sa NGO pero ako ‘di sapat yun kailangan magkaroon ng rebulusyon para mabago ang sistema ng pamahalaan” Isang halik ang iniwan niya sa aking noo at nawala sa madilim na iskinita. Yun ang huling araw na nakita ko siya at limang taon na ang nakakalipas.
Pero pagkatapos ng apat na taon bago matapos ang 2016 ay may dumating na sulat sa akin at sinabing babalik na siya. Walang pangalan sa sulat pero alam ko si Andrew yun dahil nandun ang drawing ng isang bulaklak na hindi ko malaman kung ano yun tulad ng bulaklak na nasa panyong pula na binigay niya. Sinabi niya magkikita kami sa araw na itinakda para sa mangagawang ipinaglalaban nila. Mayo Uno, ito ang pumasok agad sa isip ko. Sinabi ko sa sarili ko ay handa na ako makasama siya kung saan man ang gusto niya.
Dumating ang araw na iyon, isinoot ko ang napakagandang damit ko at inilagay ko na ang lahat ng pwede isuot na pwede sa sinasabi niyang country side na kasama ang mga nagmamahal sa bayan. Doon daw magsasama kami na parang amin dalawa lamang ang mundo. Mga salitang pinanghahawakan ko na nasa sulat niya at handing handa na ako.
Walang Andrew na dumating sa aming tagpuan. Maliban ang isang lalaki at isang babaeng dala ang isang bag na alam ko kay Andrew yun.
“Nasaan si Andrew?” Ang tanong ko sa kanila. Sabi niya magkikita kami dito.
“Isa siyang matapang at wagas ang pagmamahal niya sa bayan.” Sambit ng lalaking halos hindi ko maaninag ang mukha dahil sa sumbrerong suot niya.
“Nasaan si Andrew?” Muling itinanong ko sa kanila.
“Kahanga-hanga ang pagmamahal niya sa bayan.” Ito ang sinagot ng babaeng hindi maayos ang pagkakatali ng buhok at sunog sa araw ang kanyang balat.
“Bullshit! Nasaan si Andrew!?!” Hindi ko na napigilan ang sarili ko dahil sa mga pinagsasabi nila at hindi masagot ang tanong ko.
Inabot nila ang bag kasama ang sulat sa akin… “Paumanhin… kami ay kasama mo sa pagdadalamhati sa pagkawala ng isang magiting na kasama. Nakikiramay kami sa iyo Mae pero masaya rin kami at nakilala naming ang sinasabi niyang nag iisang taong nagpapatibok ng puso niya.” Paliwanag ng babae habang binubuklat ko ang sulat niya.
“Mahal,
Kung sakaling binabasa mo ito, ibig sabihin ay hindi na ako nakarating sa pangakong pagkikita natin. Patawarin mo ako sa panahong wala ako sa piling mo at pinili ko ang buhay kasama ang mga taong uhaw sa pagbabago ng sistema. Pero alalahanin mo na hindi ka nawala sa isip ko kahit kainlan. Magkaiba man tayo ng prinsipyo at paniniwala pero alam ko iisa ang layunin natin. Sa muling pagkikita sa himpapawid kasama ng mga ibong malayang umaakap sa lamig ng hangin.
Drew”
“Nabaril siya sa isang enkwentro at ayaw niyang magpadala sa ospital para matignan” Sambit ng lalaki at kasabay ng pagpapaalam nila sa akin.
Iyon ang alaalang patuloy na kumukurot sa isipan ko na nagpapaalala kung sakaling pinigilan ko ba siya at nagmakaawa noon sa huling pagkikita namin sa Kalye Tres makikinig kaya siya. Kung sakaling sumama ba ako sa kanya may nagbago kaya o sana nakasama ko siya sa huling apat na taon ng buhay niya.
Patuloy ang pagtingin ko sa kawalan habang nakaupo ako sa eskinitang ito at hindi ko na namalayan si Mang Anton na may dalang payong na papalapit sa akin at iika-ika.
“May mga bagay na hindi natin maipaliwanag. Pero ang tanging masasabi ko lang Mae ay mahal na mahal ka ng anak ko.” Unti-unting paglapit ni Mang Anton sa akin.
“Bakit niya pinili yun? Bakit niya piniling lumayo sa atin?” Para akong batang nagsusumbong sa ama niya.
“Hindi ko alam, pero ang tanging alam ko ay mayroon siyang gustong gawin na alam niya ay tama. Hindi man tayo pareho ng paniniwala ay kahit alam ko na tama ang adhikain niya.” Paliwanag niya.
“Nakausap ba ninyo siya bago yun? Handa na ako sumama sa kanya.” Sabi ko kay Mang Anton.
“Alam ko sa tuwing may tumatawag sa telepono na hindi nagsasalita at tanging hinga lang ay siya yun. Alam ko gusto pa rin niya ako kamustahin pero wala siyang tamang salita na sasabihin sa akin. Pero masaya ako dun at maayos siya kahit paano.” Sagot ni Mang Anton.
“Pero paano ninyo nalaman na wala na siya?” Tanong ko sa kanya.
“May 1 yun noong nakaraang taon. Pagbukas ko ng tindahan ay nakita ko ang isang laruang kotse. Alam ko sa kanya yun dahil yun ang binigay ko sa kanya noong 9th birthday niya.” Dito na rin nag umpisa ang pag-agos ng luha ni Mang Anton,
“Patawarin ninyo ako hindi ko po siya napigilan” Sagot ko sa kanya.
“Wala kang kasalanan Mae. Pinili niya ang landas na iyon. Tulad lang yan ng Kalye Tres na ito. Siya sa sa kaliwa ang daan niya. Ikaw sa kanan. At ako, matanda na ako kaya pinili kong maiwan sa gitna. Magkaiba man kayo ng gusto sa buhay pero alam ko darating din sa buhay ninyo na magkikita rin kayo sa gitna.” Paliwanag ni Mang Anton habang pinupunasan ang luha niya sa mga mata.
Inakap ko Mang Anton at nag umpisa nang maglakad. Hawak ko pa rin ang pulang panyo na bigay ni Andrew sa akin. Pula, ang kulay na nagpupuyos na damdamin tulad kay Andrew na gusto baguhin ang sistema ng bayan at kulay ng pagmamahal ko sa pinili ko na landas ang paglilingkod sa kapwa sa paraan na alam ko.
Tulad ng Kalye Tres na sabi ni Mang Anton, ang eskinitang saksi paglaki at pagmamahalan naming ni Andrew. Sa kaliwang daan siya dumaan, ako sa kanan pero darating ang tamang panahon. Magkikita rin kami sa gitna pero ngayon patuloy ako sa paglalakad pauwi at ipagpapatuloy ang buhay ko sa daanang tulad ng eskenitang ang tawag ay Kalye Tres, masikip, maluwag, pero sa dulo mayroon liwanag.
“Mga sandaling tila habangbuhay…ayokong kumawala” – Huling Gabi, Moira dela Torre