May bagong aabangan at iibigin sa umaga ang mga manonood dahil araw-araw nang matutunghayan ang Kapamilya stars na sina Arci Muñoz at JC Santos sa “Ikaw Lang ang Iibigin.”
Sa pagpasok ng bagong kabanata ng buhay nina Gabriel (Gerald Anderson) at Bianca (Kim Chiu), panibagong tao rin ang kanilang nakilala na tutulong sa kanilang abutin ang kanilang mga pangarap at magbago sa takbo ng kanilang kapalaran.
Natunghayan na nga ng mga manonood ang karakter ni Arci na si Alex, ang boss ni Gabriel na masayahin at determinado sa buhay. Ngunit hindi lang siya magiging katuwang sa trabaho ng binata, magsisilbi rin itong kaibigan na tutulong upang maibsan ang lungkot na nararamdaman ni Gabriel.
Nakilala na rin ng mga tagasubaybay si JC bilang Percy, ang torpe at masungit na presidente ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Bianca. Nag-umpisa man sa hindi pagkakasundo ang kanilang pagkakaibigan, unti-unti namang magkakalapit ang kanilang mga loob sa pagkakataong mas makilala na nila ang isa’t-isa.
Ano nga ba ang mga magiging papel nina Alex at Percy sa buhay nina Bianca at Gabriel?
Samantala, patuloy pa rin sa pamamayagpag ang “Ikaw Lang ang Iibigin” sa national TV ratings at tinalo ang bago nitong katapat noong Lunes (Sep 25) at Martes (Sep 26). Ayon sa datos ng Kantar Media, nagkamit ang serye ng national TV ratings na 17.2% at 17.8%, kumpara sa “Lola’s the Beautiful Show” na nakakuha lamang ng 7.5% at 7.4% sa dalawang magkasunod na araw.
Huwag palampasin ang seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).