>var addthis_pub=”angsawariko”;
“Ang bawat isa ay may responsibilidad sa bayan na dapat gawin”
Walang hihigit pa sa mga teleseryeng napapanood natin sa telebisyon ang seryeng nakikita natin sa balita, ang bangayan dito, dramahan doon at ang walang kamatayang issue kung sino ba ang bida at kontrabida. Aminin na natin na nagdadalawang isip pa tayo kung bakit pa natin sila niluklok dun habang ang iba ay nakikisakay lang sa mga issue habang wala namang ginagawang malaki para sa sinasakupan nila bukod sa pagbubungkal ng kalsada at pagpapatayo ng basketball court. Habang ang ilan naman ay kaliwa’t kanang scam ang kinakasangkutan o kaya isang saksakan ng pagiging dedma sa mga nangyayari sa bayan nya at nagbibilang lang ng panahon hanggang matapos ang termino sa pwesto.
Para sa isang 3rd world country kagaya ng Pilipinas napakaimportante sa atin ang salitang pag unlad, mula sa ating ekonomiya, sistema sa pulitika, supply ng gamot at pagkain, maayos na tirahan, security at lalo na sana sa edukasyon. At parte rin ng paghubog ng isang bansa ay ang pagluklok ng mga taong mamamahala sa bayan at sa mga sangay nito, pero ang maling pananaw ng tao hindi dahil sila na ang naroong nasa kapangyarihan ay sila lang dapat ang kumilos at magdecide sa para sa atin at sa Pilipinas.
Isa pa rin ako sa mga taong naniniwala pa sa kapangyarihan ng sistema ng botohan sa bansa, hindi sagot ang charter chance sa anumang suliranin ng bayan kundi sa pamamagitan ng wastong pagboto, pagluklok at pagbabantay sa mga taong nilagay natin sa mga upuan sa baranggay, munisipyo, kongresso, senado at malacañang. Hindi tayo ang may utang na loob sa kanila dahil inaayos nila ang kalagayan ng bayan, kundi sila ang may utang na loob sa atin dahil nilagay natin sila diyan at dapat ginagawa nila ng tama ang trabaho nila.
Ako ang simula: Register Now!
Para sa kabataan ngayon mas nanaisin nilang magmall o gumimik kaysa ang pumunta sa mga munisipyo o regional office ng comelec para magparehistro at bumoto. Ito ang irony ng sinabi ni Jose P. Rizal na ang kabataan ang pag asa ng bayan habang ang kabataang ito ay busy sa paglalaro ng Dota, o makikipagchat sa mga kaibigan.
Isang hamon para sa gobyeno, cause oriented group at mga taong nag nanais pa ng pagbabago sa pamamagitan ng pagboto. Samu’t saring kampanya na rin ang naglabasan ang Ako Mismo (akomismo.org) na nagnanais makakuha ng online and mobile pledges sa mga taong nagnanais ng maayos na lipunan at bayan at kung paano sila makikiisa sa adhikaing ito. Ang boto mo i-Patrol mo: Ako ang simula ng ABS-CBN, and Y Vote o Youth Vote na kung naglalayong i-mobilized ang mga kabataang magparegister at ipakita ang importansya ng pagboto sa election, mula sa online and mobile, hanggang on ground events. Maaaring napapasukan ng ng commercialism ang mga kampanyang pampulitika tulad nito pero ang tanging plano naman natin ay himukin ang kabataan na maging involve ay dapat suportahan.
Walang sino man ang may karapatan na magreklamo sa karapatan niya sa maayos na bayan kung sa simula pa lang ay hindi niya ginawa ang tawag ng pakikiisa sa pagiging botante sa eleksyon.
Edukasyon at pagkamulat.
Hindi maaakay ng isang bulag ang kapwa niyang bulag dahil mahuhulog sila sa butas, ito ang karaniwang sinasabi ng lahat na paano matutulungan ng isang tao ang kapwa niya kung siya mismo ay walang alam o nagbibingihan sa issue ng bayan.
Hindi sukatan ang mga naglalakihang billboard ng mga tatakbo sa 2010, at mga nagdradramahang storyline ng kanilang political ads, hindi ito ang basehan para sa mga posisyong ikinakampanya nila sa atin.
Ang 30 minute na balita sa telebisyon at radyo, and 10 minutes na pagbabasa ng news article at commentary sa dyaryo at internet ay hindi sagabal sa ilang oras nating pagkasubsob sa trabaho, sa gimikan, chat o tsismisan sa mga kaibigan natin. Ilang minutong kailangan nating maging aware sa mga nangyayari sa bayan, at kung paano kumilos at umasta ang mga taong manliligaw ng ating mga boto.
Maging mapagmasid at maging matalino sa mga taong susuportahan natin dahil sila ang siyang mamamahala sa bayan sa loob ng anim na taon. Huwag natin sukatin ang popularidad kundi ang sincerity ng tao na maglingkod para sa atin at sa bayan.
Bo(bo)to
Huwag maging bobo pagdating sa pagboto, talamak ang mga taong mapagsamantala sa panahong ito. Nariyan ang mga taong bumibili ng boto nang harapan, huwag mong ipagpalit ang limang piraso ng noodles at ilang kilo ng bigas sa anim na taong na maginhawa sana para sa mga anak at pamilya mo kung sakaling bumoto ka ng tama at hindi udyok ng iba.
Tandaan na ang isang boto mo ay maaaring maging simula ng isang pagbabagong inaaasam ng lahat.
Magbatay at makialam
Karamihan sa atin pagkaboto ay iisiping tapos na ang responsibilidad nila, pero ang totoo ito pa lang ang peak ng dapat ay lahat tayo ay maging involve at iyon ay bantayan bilangan, pagproklama, pag-upo at panunungkulan.
Bantayan ang boto para walang dayaang maganap, may mga volunteer position ang comelec at namfrel para sa mga taong nagnanais sumama sa pagbabantay ng bilangan ng boto, at nariyan din ang iba’t ibang forms ng media, ang radyo, telebisyon, dyaryo, at internet na dapat nating tutukan para malaman natin ang pangyayari.
Bantayan ang siyang nahalal, tulad ng sinabi ko noong una, hindi silang naupo ang dapat paglingkuran natin kundi silang pinaupo natin para mamahala ang siyang maglingkod sa tao at bayan. Dapat maging mapanuri tayo sa mga ginagawa nila dahil boto batin ang nagluklok sa kanila at buwis natin ang siyang nagpapasweldo sa kanila at hindi sila nahalal para gawing hanapbuhay lamang ang posisyon kundi maghanap ng maayos ng buhay para sa kanilang nasasakupan. Sila ang may utang na loob sa atin at hindi tayo ang may utang na loob sa kanila sa pagpapaayos ng kalsada, basket ball court at iba’t iba pang proyektong kasama ang kanilang mga naglalakihang mga mukha sa mga banner at billboard.
Simple lang ang hamon sa atin kung gusto natin ng pagbabago, simulan natin sa sarili, ang magparehistro, ang imulat ang sarili sa issue ng bayan, ang bumoto ng wasto at ang magbantay dahil anim na taon na kinabukasan ng natin, ng mga anak natin at ng bayan ang nakasalalay dito.
Posted on FilipinoVoices.com