>Bilang isang ordinaryong mamamayan na may paniniwala pa rin sa boto ng nakakarami. Isang simbolo ng pag asa ang ARMM election na nagaganap ngayon sa ating mga kapatid sa Mindanao. Mula sa paghadlang ng mga taong nais ipatigil ang nasabing eleksyon at namayani pa rin kung ano ang naitakda na ng Comelec, pero sa kabila nito ay hindi pa rin natin maaalis ang pangambang mayroong gulong maaaring mangyari dahil na rin sa iringan ng militar at ng grupo na MILF.
May pag asa pa ba?
Mayroong pag asa sa mga taong naniniwala, hindi ako isang taong maituturing na hard core political fanatic pero ang sa akin ay ibinabahagi ko ang aking ideya at saloobin sa mga bagay na nangyayari sa aking paligid lalo na sa lipunan at kapakanan ng kapwa. Ang eleksyon ay nagpapatunay na may demokrasya pang nagaganap sa Mindanao at ito ay ang may layang bumoto at mamili kung sino ang iluluklok sa kapangyarihan. Hanggang ang tao ay may pamamaraan sa kanyang pagpapahayag ng pananaw at pag mamahal sa kalayaan ay may pag asa pa.
Kapatid boboto ka ba?
Oo dapat kang bumoto kahit nasa kalagitnaan ka ng isang malaking gulo sa Mindanao. Dahil ang isang boto mo ay maaring makapagpabago ng mga pangyayari lalo na sa pamamalakad at sistema ng lokal na pamahalaan. Ang isa mong boto ay siyang magdidikta ng kinabukasan ng Mindanao lalo na pag pinagsama sama ang boto ng mga kapatid nating mga Muslim at Kristiyanong may paniniwala sa kapangyarihan ng pagboto.
Pagbubukod at paghihiwalay sagot nga ba?
Tulad ng sinabi ko sa isa kong kasama sa pagpapahayag ng pananaw sa pamamagitan ng blog. Hindi sagot ang pagkakahiwa-hiwalay o pagbubukod upang magkaroon ng kapayapaan. Hindi rin kaya nitong hilumin ang sugat ng hindi pagkakaunawaan at pagkakaiba-iba ng pananaw at paniniwala.
At kung sang ayon ka sa pagkakahiwalay o pagbubukod, marahil para mo na rin sinabing sang ayon ka sa maaaring pagbubukod ng Iglesia, Protestante, Ateista at iba pang paniniwalang taliwas sa ibang paniniwala. Simpleng analogy lang hindi mo matuturing ang isang bahay na ang tanging laman lamang ay kusina, sala o silid tulugan lamang, dahil ang isang bansa tulad ng Pilipinas ay hindi magiging Pilipinas kung humiwalay ang ilang bahagi ng Mindanao.
Ang sa akin lang nawa’y mas isipin pa nang malalim ng gobyerno na kung ano pang hakbang at plano ang karapat dapat na isagawa at hindi itulak ang planong pagbubukod. Sa kabila ng krisis sa Mindanao ay naniniwala pa akong may pag asa pa para sa mga kapatid kong Muslim at Kristiyano na mamuhay ng payapa sa isang komunidad, lipunan at bansang hindi kainlan magbabaha-bahagi sa kabila ng ibang paniniwala at pamumuhay. Isa lang ang Panginoon, iba nga lang ang wangis niya, pangalan at pinagmulan base sa ating relihiyon at pananalig.
addthis_pub = ‘YOUR-ACCOUNT-ID’;